Kayumanggi
Ni Mila D. Aguilar
Pagsasalin
ni Ruth Elynia Mabanglo
Habang kumikinang ang ginto ng iyong bayan
sa liwanag ng araw
ikagalak ang kayumanggi ng iyong balat.
Iyon ang itinalaga.
Kapag pumatak na ang ulan,
masdan kung paanong magsaya ang mga dahon.
Sa himig niya'y nagpapagaspasan sila
Nababatid kasing iyon ang itinalaga.
Hindi makagagawa ng gayong kasiglang inumin
ang pagdidilig.
Ang lunti niya'y mapusyaw at walang buhay
Sapagkat nakikitang hindi iyon itinalaga.
Magalak sa kayumanggi ng iyong balat.
Gaya ng ginto ng iyong bayan,
Iyon ay itinalaga.